Karamihan
sa mga estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) na tulad
ko ay sumasakay sa mga pedicab, o mas kilala sa tawag na “padyak.” Ang
pagpapadyak ay ilan lamang sa mga pangunahing pangkabuhayan sa pasilyo ng PUP.
Hindi namamalayan ng karamihan na malaki pala ang naitutulong ng mga taga-PUP
sa mga padyak drayber, sa isang banda’y nakakatulong rin naman sila sa mga
estudyante.
Sa
isang araw, kumikita ang mga padyak drayber ng hindi tataas sa P300, ngunit
hindi parin ito nakasasapat sa pang araw-araw na pangangailangan ng
kani-kanilang pamilya. Kaya naman ang ilang padyak drayber ay umisip ng ibang paraan
upang tumugon sa kani-kanilang pangangailangan. Hindi lingid sa kaalaman ng
nakararami na maliit ang tingin sa mga padyak drayber, maliit
sa paraang pagpepedicab lamang ang trabaho, ngunit huwag ninyong
“ismolin” ang mga ito dahil mayroon tayong hindi nalalaman ukol sa likod ng
bawat pagpapadyak nila.
Sa
unang tingin sa matandang ito ay aakalaing hirap sa buhay ngunit isa pa lang
negosyante, siya si Mang Leonardo ng Nagtahan Street. Si Mang Leonardo ay 54
taong gulang na sa edad niyang ito’y nagpapadyak parin ng pedicab. Sinimulan
niya ang pagpapadyak nang mapunta sa Maynila. Dahil sa grade four lamang ang
kanyang natapos, ito na ang kanyang naging trabaho buhat pa ng Sorsogon, Bicol.
Batid niya ang kahirapan sa paghahanap ng ibang trabaho kaya naman pagpapadyak
kanyang pinagbutihan.
Si Mang Leonardo at ako sakay ng minamanehong pedicab |
Sa
Maynila narin siya nakapag-asawa at nagkapamilya. Anim ang ibinunga ng
pag-iibigan nila ng asawang si Narcita. Dahil sa panata ni Mang Leonardo na
huwag matulad ang naging kapalaran sa mga anak, nagsumikap siya at napagtapos
ang apat na anak sa kolehiyo. Nakapagtataka marahil kung sa anu-ano’y
napagtapos niya ang mga anak sa pagpapadyak.
Katulong
ang misis, nagtayo sila ng niyugan at ulingan mula sa kita ni Mang Leonardo sa
pagpapadyak. Tubong lugaw kung tutuusin hindi ba? Mula sa pagsusumikap ni Mang
Leonardo, nakapag-ari rin siya ng tatlong pedicab na kanya noong
hinuhulug-hulugan. Kahit may edad na, hindi parin maiiwan ni Mang Leonardo ang
pagpapadyak dahil dito siya nabuhay at nakapagpabuhay ng kanyang pamilya.
Nakatututong narin ang pagmamaneho ng padyak ayon kay Mang Leonardo dahil
ehersisyo narin ito sa kanya, kaysa naman umano’y maging alagain siya sa
kanilang tahanan.
Iba’t-ibang
edad ang nagpapadyak ng pedicab, may mga matanda na nauna ng natalakay at
mayroon din namang binata, ilan sa kanila’y si Kenneth Royo, binatang nagnanais
ring makatulong sa pang-araw-araw na gastusin. Kung tutuusin, maaari na lamang
siyang tumambay o umasa na lamang sa mga magulang tulad ng ibang kabataan na
hindi nakapagtapos ng pag-aaral, ngunit kakikitaan ito ng determinasyon sa
pag-aangat ng kanilang pamumuhay.
Kasalukuyan kong tinatanong si Kenneth Royo ng mga panahong iyan. |
Labing-siyam
na taong gulang pa lamang si Kenneth ngunit mulat na sa kasasapitin niya
pagkatapos niyang lampasan ang sekundarya. Yun nga lang, hindi nakasisiguro
kung ano ang naghihintay na kapalaran para sa kanya. Noong bakasyon ng
kapaskuhan ko siya nakausap, pagpapadyak ng pedicab ang naging paraan niya
upang makalikom ng pera pang-kolehiyo.
May
isang matandang lalaki naman akong nakakwentuhan habang papasok ng PUP,
yakap-yakap sa kanyang mga bisig ang pambomba ng gulong, siya si Mang Romeo
Garrido, animnapung taong gulang. Kilala siya ng mga padyak drayber dahil sa
serbisyo nitong pagbobomba ng gulong, siya rin ang puntahan ng mga ito tuwing
masisiraan ng gulong ang kanilang pedicab. Ang kita ni Mang Romeo mula rito ay
P2 kada gulong na bobombahin. Sa isang buong araw, aabot lamang ng P40 ang
kita, maliit kung tutuusin, minsan nama’y walang wala talaga.
Si Mang Romeo Garrido na hanggang ngayo'y nagsisilbi parin sa mga padyak drayber sa PUP. |
Nakapagtapos
siya ng elementarya at high school bilang valedictorian. Mula rito’y kanyang nakuha
ang scholarship sa Feati University noong 1978 na may kursong Engineering.
Kanya ngayong pinagkukunan ng makakain ay ang serbisyo sa pagbobomba ng gulong.
Maliit ang kita kaya’t hindi rin maiwasan ang panghihinayang ni Mang Romeo.
Ngayon ay nakapagtapos nga siya ng pag-aaral ngunit ang kinabagsakan ay
pagpapadyak noong matapos magtrabaho sa Manpower nang panahon ni dating
pangulong Ferdinand Marcos.
Patunay
lamang ito na hindi lahat ng nakapagtapos ng pag-aaral ay maganda ang
kasasapitin ng buhay. Ngunit hindi rin naman balakid ang mababaw na antas ng
pinag-aralan ng sinuman, nasa atin kung paano natin huhubugin ang kinabukasan.
Sipag at tiyaga parin ang kinakailangan upang mabuhay ng mahusay at matiwasay.
No comments:
Post a Comment
Any comment? Your thoughts are highly appreciated.